Connect with us

Capiz News

Hazard pay, iba pang benepisyo para sa mga basurero isinusulong sa Roxas City Council

Published

on

Para mabigyan ng self-esteem ang mga basurero ng City Goverment ng Roxas City, isinusulong ngayon sa Sangguniang Panglungsod ang ordinansa na naglalayong mabigyan ng hazard pay at iba pang mga benepisyo ang mga ito.

Sa kaniyang privilege speech sa regular session ng Sanggunian sinabi ng may-akda na si Konsehal Cesar Yap na ang pagiging basurero ay isang mahalagang propesyon na nakakaligtaang bigyan ng importansiya.

Giit pa ni Dr. Yap, Chairman ng Committee on Health, ang trabaho ng mga basurero ay malapit sa mga sakuna at mga sakit.

Kabilang aniya rito ang posibleng pagkakalanghap ng mga kemikal, heat stroke, pagkahulog o pagkaipit sa truck, at maging ang kanilang mental na kalusugan ay napapabayaan.

Sa kabila nito, napag-alaman ng Konsehal na  napakababa lang ng sweldo ng mga basurero. Hindi na niya binanggit kung magkano subalit maliban umano sa mababa ang sweldo ay wala pang mga benipisyo ang mga ito.

Ibinahagi niya na sa Amerika, ang mga basurero roon o garbage collector ay may mga kaukulang proteksyon sa katawan bilang pananggalang sa sakit at aksidente sa trabaho.

Kaugnay rito naghain ng ordinansa ang lokal na mambabatas na naglalayong mabigyan ng hazard pay at iba pang benepisyo ang mga basurero sa lungsod.

Nang tanungin ni Konsehal Angel Celino kung saan kukunin ang budget, sinabi ni Yap na pwede namang kunin sa Development Fund ng syudad ang pondo para rito.

Nakatakdang sumailalim sa pagdinig upang pag-aralan ang nasabing panukalang ordinansa.

Continue Reading