Connect with us

Capiz News

Isyu sa data privacy ng panukalang QR Code System ordinance ng Roxas City mainit na tinalakay

Published

on

Mainit na tinalakay sa regular session ng Sangguniang Panglungsod ng Roxas City nitong Martes ang isyu sa data privacy ng panukalang QR Code System ordinance.

Ayon sa proponent na si Konsehal Cesar Yap, layon ng panukalang ordinansa na mapabilis at gawing sistematiko ang contact tracing sa lungsod kaugnay ng nararanasang pandemya.

Bagaman sinabi ni Yap sa kaniyang committee report na magiging secured at encrypted ang mga impormasyon sa nasabing sistema, kinuwestiyon parin ito ng kaniyang mga kasama sa konseho.

Kinuwestiyon ni Konsehal JP Arcenas, ang kapasidad ng nasabing teknolohiya na mag-store ng libu-libong impormasyon gayon din ang kasiguraduhan na protektado ang mga data ng bawat indibidwal.

Ikinabahala nito na puwedeng gamitin ng mga hacker ang teknolohiyang ito para matunton ang isang indibidwal at makakuha ng mahahalagang impormasyon.

Kinuwestiyon rin ni Konsehal Paul Baticados ang pagsama ng birthday ng indibidwal na gagamitin sa nasabing sistema. Giit ng abogadong konsehal na ang data na ito ay isang napaka-sensitibong impormasyon.

Kaugnay rito, napagagkasunduan na muling talakayin sa komitiba ang nasabing panukala kasama ang mga experto sa teknolohiya bago ito muling isalang sa ikalawang pagbasa sa plenaryo.

Giit ng mga konsehal huwag munang madaliin ang panukalang ordinansa. Dapat anila na makumbinsi muna sila sa kapasidad at kasiguraduhan ng teknolohiyang gagamitin ng gobyerno lokal ng Roxas City.

Continue Reading