Capiz News
Maitim at mabahong tubig ng Alngin River perwesyo sa mga residente
Nagrereklamo ngayon ang mga apektadong residente malapit sa ilog Alngon River sa President Roxas, Capiz dahil sa maitim at napakabahong amoy ng tubig nito na may mga lumulutang na mga patay na isda.
Nitong Miyerkoles ay nagsagawa ng inspeksiyon ang Capiz Provincial Environment and Natural Resources Office kasama ang DENR-Environment Management Bureau, at Municipal Environment and Natural Resources Office.
Isang joint investigation team rin ang binuo sa pangunguna ni Acting CAPENRO Atty. Abeb Arboleda-Depon kasama ng ilang ahensiya ng gobyerno probinsyal at munisipal para imbestigahan ang kalagayan ng ilog.
Sinabi ni Rodulfo Bacinillo, isang boat operator at sand gravel collector, nagsimulang mangitim at mangamoy ang ilog nitong Abril 11. Napakabaho umano ang amoy nito lalo na pag dakong alas-6 hanggang alas-7.
Ayon sa ulat ng CENRO, sinasabi ng ilang mga residente na kumpara sa mga nakalipas na summer, ito na umano ang pinakamalalang sitwasyon na naranasan nila.
Puna naman ni Engr. Gerald Gaston, isang residente sa lugar, bago mangyari ito ay malinis pa ang ilog, napapaliguan at napaglalabhan pa ng mga damit. Nangangamba siya na dahil sa sitwasyon ng ilog ay ilang residente na ang nakakaranas ng dayareya.
Sumasailalim na sa pagsusuri ng EMB-Region VI at Office of the Agriculturist ang mga nakuhang water sample. Pag-aaralan naman ng CAPENRO at MENRO ang mga datos na nakalap sa inspeksiyon.
Batay sa paunag ulat ng CAPENRO nakitaan ng langis at mga grasa ang tubig sa ilog na posibleng dahilan ng konteminasyon.