Capiz News
MAYOR DADIVAS DESIDIDONG KASUHAN SI CAPIZ ADMINISTRATOR MONARES
Desididong magsampa ng kaukulang kaso si Roxas City Mayor Ronnie Dadivas laban kay Capiz Administrator Edwin Monares dahil sa umano’y iresponsable, malisyoso, at panlilinlang na Facebook post ng administrator kontra sa alkalde at sa kaniyang administrasyon.
Matatandaan na nitong Sabado ay nagpost si Monares sa kaniyang Facebook account na kinukuwestiyon ang Php1.336-Billion na subject sa Audit Observation Memorandum (AOM) ng Commission on Audit sa Roxas City government.
Sa isang pahayag nitong araw ng Lunes, ipinaliwanag ni Dadivas na ang Php1.336 Billion na nakasaad sa AOM ay naipong account balance ng City Government para sa Property, Plant, and Equipment (PPE) mula pa noong 2010.
Nilinaw ni Dadivas na ang PPE na tinutukoy rito ay mga fixed assets ng Roxas City na kinabibilangan ng mga gusali, machinery, lupa, office equipment, mga furniture at mga sasakyan. Si Dadivas ay hindi pa akalde noong 2010. Nilinaw niya na gusot na ito ay naituwid na.
Sinabi ni Mayor Dadivas na dapat burahin at ituwid ni Monares ang kaniyang post. Dapat aniya ay naging mapanuri at nagsaliksik muna ang Capiz Administrator bago ito nagpost sa Facebook.
Sa kabila nito, itutuloy umano ng kaniyang kampo ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa provincial administrator.