Capiz News
Mga guwardiya, inalis na sa bahay at opisina ni Chiyuto
Pinull-out na ng security agency ang apat na guwardiya na una nang nadestino sa bahay at opisina ni Patrocenio Chiyuto sa Brgy. Cagay, Roxas City, Capiz.
Ito ang kinumpirma ni Punong Barangay Arthur Aragon.
Ayon sa kapitan nasaksihan mismo niya ang pag-alis ng mga guwardiya na walang dalang anumang gamit mula sa bahay at opisina ni Chiyuto.
Sinabi pa ni Aragon na wala nang mga gamit sa bahay ni Don Chiyuto, CEO ng Chiyuto Creative Wealth Documentation Facilitation Services.
Pahayag ng opisyal, noong nakaraang Sabado ay ipinamahagi na niya sa ilang mga residente ang mga kagamitan sa kaniyang bahay at opisina. Kabilang umano sa nakatanggap ay ang mga tanod na nakakuha ng limang plastic chairs na inuwi nila sa kani-kanilang mga bahay.
Ang natitira na lamang umano sa bahay ay ang sasakyan ni Chiyuto.
Si Chiyuto ay nakilala sa kaniyang negosyong ‘double-your-money’ kung saan daan-daang mga taga-Capiz at taga-ibang probinsiya ang nag-investment sa kaniya.
Naging kontrobersyal si Chiyuto matapos ipahinto ng Securities and Exchange Commission ang kaniyang negosyo kamakailan lang.
Nitong linggo ay naglabas ng advisory ang SEC na binabawi ang rehistro ni Chiyuto para mag-operate dahil sa mga paglabag at pagpapatakbo umano ng Ponzi Scheme.