Capiz News
MISTER, TINAGA NG KALIVE-IN DAHIL HINDI NAPARTIHAN NG AYUDA MULA SA DSWD
Sugatan ang isang mister sa Brgy. Maninang, Sapian, Capiz matapos tagain ng sariling live-in partner kahapon dahil hindi umano nabahagian ang huli ng Php6,000 amelioration mula sa DSWD.
Kinilala ang biktima na si Romeo Alayon habang ang suspek naman ay si Romelyn Olano parehong nasa legal na edad.
Napag-alaman na matapos makatanggap ng ayuda ang lalaki, sinugod umano siya ng kaniyang live-in partner sa kanilang bahay para humingi ng bahagi mula sa ayuda na natanggap.
Hindi umano nagbigay ang lalaki dahil Katwiran nito dapat ang hatian ay gagawin sa harap ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) officer o sa mga barangay officials para mayroong saksi.
Dahil dito, nagalit ang babae at nauwi muna sa batuhan ng mga gamit.
Ilang sandali pa ay kumuha ng itak ang babae at tinaga ang biktima.
Nagtamo ang lalaki ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Agad naman siyang isinugod sa ospital para sa kaukulang paggamot.
Nabatid na madalas nang nagpapabarangay ang dalawa dahil sa kanilang pag-aaway na kalimitan ay may kaugnayan sa pera.