Capiz News
Miyembro ng NPA sumuko sa kapulisan sa Capiz; ibang rebelde hinikayat ding sumuko
Isang armed red fighter ang sumuko kay PMaj. Rowell Buccat ng Capiz Provincial Intelligence Unit Officer sa Camp Apil dito sa Roxas City.
Isinurender rin ng ex-NPA na si alyas Art ang isang 357 revolver na may limang bala.
Ayon kay PMaj. Bucat, si alyas Art ay nirekrut noon pang 1992 at naging red fighter. Siya ay naging miyembro ng NPA unit na nag-o-operate sa mga malalayong barangay sa Mambusao, Jamindan, Sigma, Dumalag at Tapaz dito sa probinsiya.
Sa press briefing sa Camp Apil, sinabi ni “Art” na hindi na umano niya makayanan ang gutom, hirap, kawalan ng seguridad at pag-asa sa kabundukan, mga rason kung bakit ito sumuko sa kapulisan araw ng Biyernes, Marso 6.
Sinabi ni PMaj. Buccat na ang pagsuko ni alyas Art ay bunga ng pinaigting nilang intelligence and information operation sa pakikipagtulungan ng 61st IB, 3ID, Philippine Army at mga kabarangayan.
Ikinatuwa ni PCol. Julio Gustilo Jr., Provincial Director ang pagsuko ni “Art” at nanawagan sa iba pang mga rebelde na sumuko rin sa kapulisan o sa government troops.
Samantala, pinasiguro naman ng Capiz PNP na maisailalim sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ang ex-rebel para makapagbagong buhay.