Capiz News
Ordinansa para paigtingin ang social distancing aprubado ng Roxas City Council
Paiigtingin pa ng Roxas City government ang social distancing sa lungsod lalo na sa mga pampubliko at pribadong mga establisyimento para maiwasan ang pagkalat ng corona virus o COVID-19.
Sa regular session ng Sangguniang Panglungsod nitong Martes nagpasa ng resolusyon si Konsehal Trina Ignacio na nag-oobliga sa mga establishment na maglagay ng mga sign cues at iba pang signages para mapanatili ang social distancing.
Ito ay kasunod ng obserbasyon ng konsehala na mahirap mapanatili ang crowd control. Mainam aniya na maglagay nalang ng mga palatandaan gaya ng ipinatutupad na sa ibang mga lugar sa bansa.
Aniya, depende sa kakayahan ng mga establishment, maaari silang magdikit ng anumang palatandaan o magpinta sa sahig o sa pader para magsilbing gabay sa mga tao. Dapat aniya ay tig-iisang metro ang layo nito.
Nakasaad rin sa dokumentong inihain ng lokal na mambabatas na ang anumang establishments na malamang hindi sumusunod rito ay ipasasara hanggang sa matupad ang hinihingi ng ordinansa.
Sang-ayon naman rito ang mga kasama sa konseho kaya agad nila itong inaprubahan.
Photo Michael Jan Ting / File Photo