Capiz News
Pag-appoint kay City Administrator Usison bilang GSO Head kinuwestiyon


Kinuwestiyon sa Sangguniang Panglungsod ng Roxas City ang pag-appoint kay City Administrator Lorie Belle Usison bilang bagong General Services Officer ng Roxas City Government.
Sa regular session ng Sanggunian nitong Martes, kinuwestiyon ni Konsehal Jericho Celino ang kuwalipikasyon ni Usison bilang GSO Officer epektibo Nobyembre 3.
Sinabi ni Celino na batay sa kaniyang nalalaman, bagay umano ang opisyal sa ibang posisyon at ibigay nalang sa iba ang General Service Office.
Para mabigyan ng linaw, minabuti ng konseho na imbitahan si Marilyn Albaran, Human Resource Head, para magsalita kung saan binigyang diin nito na kwalipikado sa posisyon si Usison.
Nilinaw rin ng HR Head na walang ibang nag-apply sa naturang posisyon kundi si Usison lamang, wala rin aniya silang nakikitang diskwalipikasyon sa kaniya ni may nagrereklamo sa kaniyang appointment.
Kinumpirma rin ni Albaran na iisa lang ang sasahurin ni Usison. Pinahihintulutan rin aniya ng batas ang pagkakaroon ng isang designated position at isang appointed position ng isang government employee.
Naniniwala naman sina Konsehal Paul Baticados at Konsehal Trina Ignacio na ang pagiging City Administrator at GSO Head ni Usison ay magpapabilis ng mga serbisyo sa departamentong ito.
Kalaunan ay napagkasunduan rin ng mga miyembro ng Sanggunian na aprubahan ang pag-apoint ni Mayor Ronie Dadivas kay Usison.