Capiz News
Pagdadala ng sariling eating utensils kapag kakain sa labas hinihikayat sa Roxas City


Hinihikayat ng bagong resolusyon ng Sangguniang Panglungsod ng Roxas City ang mga residente na magdala ng sari-sariling eating utensils kapag magda-dine-in sa mga food and beverages establishments.
Ayon sa may-akda na si Konsehal Garry Potato, isa itong hakbang para maiwasan ang pagkalat ng corona virus o COVID-19.
Sa kaniyang privilege speech ngayong Martes binigyan-diin ng Konsehal na isa umano ito sa mahalagang bagay na nakaligtaang maipatupad maliban sa physical social distancing at pagsuot ng face mask.
Paliwanag niya, ngayong pinahihintulutan na ang pag-dine-in sa ilalim ng Modified General Community Quarantine, hindi umano sigurado kung ang mga ginagamit na mga kobyertos ay ligtas sa COVID-19.
Dagdag ng Konsehal, pwedeng mag-iwan ng droplets ang isang COVID-19 infected person sa mga kagamitan sa pagkain na posibleng maging sanhi ng pagkahawa ng ibang gagamit nito.
Kung maaari aniya ay gumamit nalang ng mga disposable na eating utensils ang mga restaurant, karenderya, bar, fast food chain, at iba pang mga food and beverages establishments.
Pero para maiwasan ang paggamit ng mga plastic materials, hinihikayat nalang ng opisyal ang mga residente na magdala ng sarili nilang utensils kapag kakain sa labas bagay na sinang-ayunan ng konseho.