Capiz News
Positibo sa COVID-19 sa Capiz, umakyat na sa apat
Roxas City- Umakyat na sa apat ang bilang ng mga nagpositibo sa Coronavirus o COVID-19 sa probinsiya ng Capiz.
Sa isang press conference hapon ng Linggo, ibinalita ni Mayor Ronnie Dadivas ng Roxas City na ang ikalimang nagpositibo ay mula sa kaniyang nasasakupan batay sa kumpirmasyon ng DOH.
Nabatid na ito na ang pangalawang kaso ng COVID-19 sa lungsod. Ang panibagong biktima ay isang 25 anyos na lalaki mula sa Brgy. Dayao, na may travel history mula Maynila at dumating sa Roxas City nitong Marso 14.
Ayon pa sa report, may positive exposure ito sa mga COVID-19 confirmed cases sa Capiz.
Sinabi ni Dadivas na stable na ang lagay ng lalaki at walang anomang nararamdamang sintomas sa katawan at naka-hospital quarantine ngayon sa Roxas Memorial Provincial Hospital.
Kaugnay rito, iniatas ng alkalde ang “extreme community quarantine” sa Brgy. Dayao. Pababantayan rin niya sa mga sundalo, kapulisan at mga tanod ang compound o Sitio kung saan nakatira ang COVID-19 victim.
Pinasiguro niya na nagsasagawa na ngayon ng contact tracing ang mga otoridad.
Muling nag-apela ang alkalde sa taumbayan na sumunod sa ipinatutupad na community quarantine at iba pang batas ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.