Capiz News
Roxas City Council sa DILG: ipagpaliban ang pagbabawal sa mga tric sa nat’l highway
Isang resolusyon ang inaprubahan ng Roxas City Council na nananawagan sa Department of Interior and Local Government (DILG) na ipagpaliban ang pagbabawal ng mga tricycle sa mga national highway sa lungsod na ito.
Mababatid na nitong Pebrero 17, naglabas ng Memorandum Circular 2020-036 ang DILG na nag-aatas sa mga pamahalaang lokal at sa mga law enforcers na ipagbawal ang mga tricycle, pedicab, at mga motorized pedicab sa mga national highway.
Sa kaniyang privilege speech, binigyan-diin ni Konsehal Gary Potato na ang tricycle ang pangunahing paraan ng transportasyon ng mga residente sa lungsod. Ang pagbabawal sa mga ito ay magreresulta umano sa “pagkaparalisa” ng lungsod.
Sinabi pa ng Konsehal, may mga barangay sa lungsod na walang bumibiyaheng mga dyep at walang ibang ruta para sa mga tricycle.
Kinukuwestiyon ni Potato kung ano ang batayan ng atas ng kagawaran. Aniya, hindi aplikable ang batas na ito sa lungsod ng Roxas hindi gaya ng mga malalaking syudad at mga bayan.
Ayon pa sa Chairman ng Committee on Transportation, sakaling mapatupad ang MC 2020-036, nasa 4,000 tricycle driver ang mawawalan ng hanapbuhay.
Giit pa ng konsehal na ilang taon pa ang gugugulin ng pamahalaang lokal para makagawa ng mga alternatibong ruta, mga tulay at overpass para sa mga tricycle at ilang bilyon pa ng pondo ang gagastusin para rito.
Kaugnay rito, isang resolusyon ang ipinasa ng lokal na mambabatas na humihiling sa DILGna ipagpaliban muna ang pagpapatupad sa batas na ito bagay na suportado naman ng mga kasama sa konseho.
Hiling niya na payagan ang mga tricycle na magbiyahe sa mga national highway kung saan sisiguraduhin ng pamahalaang lokal na ang mga tricycle ay dadaan lamang sa mga outermost right lane o slow lane.
Nabatid na una nang nangako si Mayor Ronnie Dadivas na magpapasa ng letter for reconsideration sa DILG kaugnay sa pagpapatupad ng nasabing memorandum circular.