Capiz News
Roxas City nakapaglista ng panibagong namatay dahil sa COVID-19
Nakapaglista ng panibagong namatay sa COVID-19 ang Roxas City, Capiz batay sa pahayag ni Mayor Ronnie Dadivas nitong umaga ng Biyernes.
Ang nasabing namatay ay isang 75-anyos na babae at residente ng Brgy. Culajao.
Nabatid na na-admit siya sa ospital Agosto 24 matapos makaranas ng lagnat, ubo, nahirapan sa paghinga at LBM. Namatay siya kinabukasan.
Dumating ang resulta ng kaniyang swab test gabi ng Setyembre 3 na nagsasabing positibo ito sa COVID-19.
Ayon sa report, walang travel history ang matanda pero may mga miyembro ito ng pamilya na kasama niya na palaging umaalis ng bahay para magtrabaho.
Isinailalim naman sa strict home quarantine ang mga miyembro ng kaniyang pamilya pati na ang kanilang mga kapitbahay. Isinasagawa narin ang contact tracing.
Samantala, nakarekord rin ng dalawang recoveries sa parehong araw ang syudad. Ang mga ito ay 26-anyos at 53-anyos na mga lalaki na pawang mga taga-New Road, Banica, Roxas City.
Sa kasalukuyan, 87 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 50 rito ang nakarekober na, 31 ang aktibo at anim naman ang namatay.