Capiz News
Roxas Memorial Provincial Hospital ‘almost at critical level’
Halos nasa kritikal na lebel na umano ang kapasidad ng Roxas Memorial Provincial Hospital (RMPH) para tumanggap at bantayan ang mga pasyenteng may COVID-19.
Batay ito sa pahayag ng pamunuan ng hospital nitong Linggo kalakip ng kanilang apela sa publiko kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng nakakahawang virus.
Bagaman pinaghandaan na umano ng ospital ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 noon pang Disyembre, lumiliit na umano ang kanilang mga resources sa ngayon.
Ilan din sa mga healthcare personnel nila ang nainpeksyon sa kabila ng kanilang pag-iingat dahilan para mabawasan ang manpower ng ospital.
Naging hadlang rin umano ang hindi pa naaaprubahang pondo ng ospital para makabili ng mga suplay, at mga gamot na kailangan sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 para maiangat ang kapasidad nito.
Sa kabila nito, bukas parin ang RMPH para sa mga nangangailangan ng kanilang tulong medikal. Gayonman, hindi na umano kaya ng ospital na sila lang ang hahawak ng mga kaso ng COVID-19.
Kaugnay rito, nanawagan ang pamunuan ng ospital sa publiko na magpabakuna, iwasan ang mga non-essential gathering, magsuot ng facemask ng maayos, at dumistansya sa ibang tao.