Capiz News
Seafarer na umuwi sa Ivisan, Capiz mula Egypt sumasailalim na sa self-quarantine
Sumasailalim na ngayon sa self-quarantine ang isang 40-anyos na seaferer sa Brgy. Basiao, Ivisan, Capiz matapos itong umuwi mula sa Egypt.
Ito ang kinumpirma ni Mercy Valgomera, Information Officer ng Pamahalaang Lokal ng Ivisan sa panayam ni KaTodong Butchoy Obienda.
Kabilang ang seaferer na ito sa tatlong seafarer mula Egypt na unang naibalita na nakauwi sa kanilang mga bayan sa Capiz matapos makalusot umano sa border checkpoint.
Ang dalawa pa ay taga-Panay at Roxas City.
Ayon kay Valgomera nang mapag-alaman ng munisipyo na may umuwing seaman sa kanilang bayan ay agad itong binisitahan ng medical team ng munisipyo para suriin.
Sinabi ni Valgomera na batay sa resulta ng thermal scanning, negatibo sa sintomas ng Corona Virus o COVID19 ang lalaki na tubong Brgy. Poblacion Sur, Ivisan.
Sa kabila nito, pinakiusapan siyang sumailalim sa 14 araw na self-quarantine bagay na hindi tinanggihan ng seaman.
Mababatid na mula sa Egypt sumakay ng eroplano ang tatlo patungong Dubai. Mula Dubai ay bumiyahe ang mga ito patungong Cebu sakay ng eroplano.
Galing Cebu tumawid ang mga ito sa Negros Occidental. Mula naman sa Bacolod City sumakay ang tatlo ng Ro-Ro vessel na Tri-Star patawid ng Dumangas Port sa Iloilo araw ng Miyerkules.
Ang mga bansang Egypt at Dubai ay positobo sa COVID 2019 o Corona Virus. Maging ang Cebu kung saan dumaan ang tatlo ay may kaso rin ng COVID.
Ang tatlo ay itinuturing na Person Under Monitoring (PUI) at inaasahan na sasailalim sa quarantine.