Facts & Trivia
Ang patok na palabunutang umuubos sa baon ng mga batang 90s
Natatandaan mo pa ba ang palabunutan na usong-uso noon sa mga batang 90s?
Ang palabunutan na waring kumakaway sa mga estudyante at umeengganyo sa kanila na subukan ang kanilang suwerte? Ang palabunutang naghahatid ng tuwa pero umuubos din ng baon ng mga bata?
Sa Facebook group na Memories of Old Manila, ibinahagi ng member na si Macaranas Sio Garry ang larawan ng klasik na palabunutan; isang litratong nagbalik ng maraming alaala at nagdala ng nostalgia.
“Love this in my early years. Very exciting!” kumento ng isa sa mga miyembro na si Krista Sibayan.
“Suwerte ako riyan. Binebenta ko nga ‘pag baril-barilan ang nabubunot ko. Ako ang source ng classmates ko, grade 5 ako. Napagalitan ako ng class adviser,” pagbabahagi ni Maria.
“Haha malas ako r’yan lagi kaya hindi na ako umulit. ‘Yong panganay ko ang suwerte riyan, laging may nabubunot tulad ng cutter na malaki at kung ano-ano pang gamit para sa projects,” pag-aalaala ni Lailene Rodriguez Ordas.
Mahirap talagang kalimutan ang klasik na libangang ito ng mga estudyante. Makabunot man o hindi, nagkakaroon ng bonding ang magkakaklase. Minsan, pati na rin ang mga magulang na sumusundo sa kanilang mga anak ay sumasali. At kahit na mahirap manalo dahil mas maraming bubunutin kumpara sa ilang pirasong papremyo na nakasabit, aliw na aliw pa rin ang mga tumatangkilik dito.
Samantala, sabi naman ng miyembrong si Arreugse EckEck Utac, na dating nagpapabunot sa mga bata, “Nagtinda ako n’yan. Naaliw din ako sa pagtitinda n’yan!”
Article: Kicker Daily