Facts & Trivia
KINALIMUTANG PLANETA, NADISKUBRENG PAIKOT-IKOT SA ISANG SYSTEM NA MAY TATLONG ARAW
Halos kababalik pa lamang sa operasyon ng Kepler mission ng NASA noong 2009 nang mamataan na nito ang isang pinaghinalaang planeta na ang laki ay kalahati ng Saturn. Ito raw ay matatagpuan sa isang system na tatlo ang araw.
Ang KOI-5Ab ang isa sa dalawang planet candidate na namataan ng nasabing misyon ngunit dahil sa pagiging kumplikado ng proseso upang mapatunayan ang pagiging lehitimong palneta nito, isinantabi muna ang KOI-5Ab.
“KOI-5Ab got abandoned because it was complicated, and we had thousands of candidates,” ani David Ciardi, chief scientist ng Exoplanet Science Institute ng NASA.
Dagdag pa nya, napakaraming mga natuklasang pinaghihinalaang planeta ang Kepler at ang mga ito ay di hamak na mas madaling patunayan kesa KOI-5Ab kaya naman naisantabi ito.
“There were easier pickings than KOI-5Ab, and we were learning something new from Kepler every day, so that KOI-5 was mostly forgotten,” ayon kay Ciardi.
Nang matapos ang operasyon ng Kepler noong 2018, umabot sa 2,394 exoplanets, o mga planetang umiikot sa mga bituin maliban sa ating araw ang kanilang na-diskubre. Maliban pa riyan, may 2,366 pa na mga pinaghihinalaang exoplanet na kailangan pang kumpirmahin
Matapos ang maraming taon, muling sinimulan ang pagtutukoy kung maituturing nga bang exoplanet ang KOI-5Ab.
Dahil sa mga datos na nakalap ng ikalawang planet-hunting mission na Transiting Exoplanet Survey Satellite o TESS, sa wakas ay nailatag ang mga ebidensya at napatunayan ang pagiging planeta nito.
Hnihinalang ang KOI-5Ab ay isang gas giant tulad ng Jupiter o Saturn dahil umano sa laki nito. Ito ay umiikot sa isang bituin sa system na may dalawa pang bituin.
Inanunsyo ni Ciardi, na nakabase sa Caltech sa Pasadena, California, ang kanilang mga nakalap na impormasyon sa isang virtual meeting ng American Astronomical Society.
Mula sa nasa.gov