Health
COVID-19 case sa bansa, sumipa na sa 2M
Ayon sa DOH, umabot na sa higit 2 milyon ang naitalang kaso ng Covid-19 sa buong Pilipinas. Ito’y matapos maitala kahapon, September 1, ang karagdagang bilang na 14,216 new cases, habang may 140,949 na aktibong kaso. Mayroong din 5 laboratoryong bigong makapagsumite ng kanilang mga datos.
Sa naturang bilang, may 33,533 na ang kabuuang bilang ng mga namatay. Samantalang may 1,829,473 naman ang total recoveries.
At sa datos ng DOH, sa buwan pa lamang ng Agosto may naitalang 406,811 na bagong kaso ng Covid-19. Halos katumbas na ito ng mga naitalang nagkasakit noong 2020 na may kabuuang bilang na 472,302.
POSIBLENG BUMABA NA
Sa panayam ng Teleradyo kay Prof. Guido David ng Octa Research Group, posibleng bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa NCR kalagitnaan ng Setyembre.
Ayon kay Prof. Guido David, “May magandang indicators, nakita namin although sa Metro Manila, nasa 1.44 ang reproduction number, yung dalawang pinakamalaking LGU sa Metro Manila ‘yung Quezon City saka Manila ay actually mababa na ang reproduction number nila. Yung Quezon City nasa 1.27 yung reproduction tapos yung City of Manila nasa 1.3 ang reproduction number. Magandang indication ito kasi pag ang malalaking LGU ay bumababa ang reproduction number, usually susunod din naman ang mas maliit ng LGU.”
PANGALAWA ANG PILIPINAS SA MAY PINAKA MARAMING KASO SA SOUTHEAST ASIA
Sa Southeast Asia, nangunguna pa rin ag Indonesia sa may pinaka maraming kaso ng Covid-19 na may mahigit na 4 million, sinundan ito ng Pilipinas na may 1.9 million, Malaysia, Thailand, at Vietnam. Delta Variant ang isa sa itinuturong dahilan ng pag dami ng kaso ng Covid sa mga bansa.
(Source: Kabayan Teleradyo, ABS-CBN News)