Health
PABAGO-BAGONG ORAS NG PAGGISING SA UMAGA, MAAARING MAKA-KONTRIBYUT SA PAGKAKAROON NG DIABETES, SAKIT SA PUSO
Kinumpirma ng isang pag-aaral na inilabas sa Journal of Clinical Endocrinology & Metabolism na ang pagbabago sa nakagisnang oras ng paggising sa umaga ay nakakontribyut o nakadaragdag sa panganib ng pagkakaroon ng abnormalidad sa metabolismo ng katawan. Dahil dito, tumataas din ang posibilidad ng pagkakaranas ng mga sakit o kondisyon na may kaugnayan sa metabolismo, tulad ng diabetes, sobrang timbang o obesity, at mga karamdaman sa puso.
Ayon sa pag-aaral na isinagawa sa University of Pennsylvania, sa Estado Unidos, ang mga taong gumigising nang maaga dahil sa trabaho ay nakapagdudulot ng pagbabago sa circadian rhythm o nakagisnang takbo ng oras na nakakaapekto naman sa normal na paggana ng metabolismo ng katawan. Dagdag pa nila, isa ito sa mga itinuturong dahilan ng pagtaas ng bilang ng taong nakararanas ng diabetes at pagkakaroon ng sobrang timbang.
Isinagawa ang pag-aaral sa 447 na mga indibidwal na may regular o full-time na oras ng trabaho. Sila ay may edad 30 hanggang 54, at binubuo ng 53% na mga kababaihan. Sa buong haba ng panahon ng pagsasaliksik, binatayan ang kanilang pagkain, mga gawain, at oras ng pagtulog at paggising sa bawat araw.
Walumpu’t limang porsyento (85%) sa mga indibidwal na binantayan ay nakitaan ng pabago-bagong oras sa kanilang pagtulog at sila’y binansagang “social jet lag”. Ang mga indibidwal na ito ay nakitaan ng iba’t ibang ebidensya ng abnormalidad sa metabolismo gaya ng pagtaas sa lebel ng cholesterol sa dugo, paglaki ng sukat baywang, pagtaas na timbang, at pagtaas din ng resistensya sa insulin, kumpara sa 15% ng mga indibidwal na may maayos na tulog.
Ang resulta ng kanilang pag-aaral ay maaaring maging basehan ng mga susunod pang pag-aaral sa hinaharap na nagtatalakay din sa kaugnayan ng pagbabago sa circadian rhythm ng tao at normal na takbo ng kanyang metabolismo.
Article: Kalusugan