Health
Paglalaro ng ‘Lato-Lato’ Patuloy pa rin sa Kabila ng mga Babala
Sa kabila ng mga paalala at pagbabawal, patuloy pa rin ang paglalaro ng ‘lato-lato’ sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, kasama na rito ang Cainta Rizal na kung saan mismong ang lokal na pamahalaan ang naghahanda para torneo.
Ang ‘lato-lato’ ay isang laruan na nagiging patok ngayon. Sinabi ng lokal na pamahalaan ng Cainta na maganda ang larong ‘lato-lato’ para sa mga bata dahil nababawasan ang paggamit nila ng computer o gadgets.
Gayunpaman, nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) tungkol sa posibilidad ng panganib na dulot ng mga ‘lato-lato’ na hindi rehistrado, na maaaring magkaroon ng masamang epekto sa kalusugan.
Sa Barangay Matandang Balara sa Quezon City, at sa ibang mga lugar sa Metro Manila at probinsiya, ipinagbawal na ang paggamit at pagbebenta ng laruan na ‘lato-lato’. Subalit hindi ito naging hadlang sa ilang mga mamamayan na patuloy na bumibili at naglalaro ng trending na laruan.
Sa kabilang banda, isang batang tatlong taong gulang na si Jaime ang napapabalitang naglalaro ng ‘lato-lato’ kahit sa kanyang pagtulog. Ito ay isang anyo ng sleepwalking na may kinalaman sa rhythm na kasama sa paglalaro ng laro, ayon sa paliwanag ni Dra. Leslie Mae Favenir, isang pediatrician.
Idinagdag pa ni Favenir, ang paglalaro ng ‘lato-lato’ ay may magandang epekto rin sa katawan ng mga bata dahil may mga parte ng katawan na gumagalaw na parang ehersisyo. Ang laruan na ito rin ay maaaring makapagbawas ng paggamit ng mga gadgets at makapagbigay ng pagkakataon sa mga bata na makipaglaro at makipag-interact sa kanilang mga kapwa bata at mga miyembro ng pamilya.
Ngunit, gaya ng ibang bagay, may negatibong epekto rin ang labis na paglalaro lalo na kung nakasasagabal na ito sa pag-aaral o oras ng pagkain ng bata. Kaya naman ipinapayo ni Dra. Favenir na kausapin ang mga bata upang magkaroon ng limitasyon ang paglalaro ng ‘lato-lato’.