History
TODAY IN HISTORY MAY 7, 2013: PAGKASAWI NG LIMANG HIKERS SA PAGPUTOK NG BULKANG MAYON
May 7, 2013, walong taon na ang nakalilipas ng umakyat sa Bulkang Mayon ang nasa 30 hikers. Alas otso ng umaga, ginulantang ang grupo nang magpakawala ng abo at malalaking tipak ng bato ang bulkan.
5 sa naturang grupo na kinabibilangan ng apat na German nationals kasama ang kanilang Filipino guide ang nasawi, habang 8 naman ang nagtamo ng pinsala. Lahat sila, hindi na naiwasan at nagulungan ng mga batong inilarawan nila na kasing laki ng isang buong silid.
Ayon kay Renato Solidum, head ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, normal lamang ang aktibidad na iyon ng bulkan.
Kadalasan, hindi pinapayagan ang pag-akyat sa Mayon kapag mayroong inilabas na alert. Marahil ay ang matagal-tagal na pananahimik umano nito ang nakahikayat sa grupo na akyatin ito.
Subalit ayon din kay Solidum, may babala man o wala, hindi umano pinapayagan ang sinuman na umabot sa tinatawag na immediate zone ng Mayon dahil sa maaaring idulot na peligro ng biglaang pag-aalburuto nito.
Kilala ang Mayon bilang isang active volcano, pero dahil sa taglay nitong ganda, isa pa rin ito sa paboritong akyatin ng mga hikers, kung saan kadalasan, hindi nila alintana na ang masayang pagbisita ay maaaring mauwi sa trahedya.