History
Today in PH History: Ika-108 taong kaarawan ng Ama ng Aklan, Godofredo P. Ramos
Taong 2002 nang ideklarang Special Non-Working Holiday sa buong probinsya ng Aklan ang ika-8 araw ng buwan ng Nobyembre. Nakapaloob ito sa Proclamation No. 194 bilang pag-alala sa kaarawan ng Ama ng Aklan na si Godofredo “Goding” P. Ramos.
Isinilang noong Nobyembre 8, 1911 si Godofredo P. Ramos. Kinilala siya bilang Ama ng Aklan dahil sa kaniyang pagsisikap na kilalanin ang lalawigan bilang hiwalay na pamahalaan mula Capiz na dati nitong kinabibilangang probinsya.
Ang paghiwalay ng Aklan mula sa Capiz ay nakasaad sa Republic Act 1414 na kaniyang ipinasa sa Kongreso. Sa kabila ng pagsusumikap ng mga naunang namumuno sa lalawigan, bukod tanging si Godofredo Ramos lamang ang naging matagumpay. Hindi naging madali ito para kay Goding. Umabot ng 55 taon ang kaniyang pakikibaka upang makamit ang minimithing kasarinlan.
Si Godofredo “Goding” P. Ramos ay naglingkod bilang miyembro ng kamara, at madalas na kilalanin bilang isa sa “Ten Outstanding Congressmen.”
Kabilang sa kaniyang mga naging katungkulan ay bilang gobernador ng lalawigan ng Aklan. Naglingkod din siya sa bansa bilang hukom ng Court of Appeals, delegado ng Constitutional Conventio, at kinatawan ng bansa sa United Nations kung saan nakikibaka ang Pilipinas sa pag-angkin sa Sabah, North Borneo. Kabilang din sa mga dinaluhan niya ang Columbo Plan at ang International Inter-Parliamentary Union.