Connect with us

History

Today in PH History: Ipinanganak si Andres Bonifacio – ang orihinal na batang Tondo

Published

on

Larawan mula sa www.google,com/images

Noong ika-30 ng Nobyembre, 1863, isinilang ang ama ng Rebolusyong Pilipino na si Andres Bonifacio. 

Pumanaw ang kanyang ama at ina na sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro nang siya ay labingapat na taong gulang pa lamang.  Dahil siya ang pinakamatanda sa anim na magkakapatid, ang responsibilidad ng pag-aalaga sa kanyang mga nakababatang kapatid ay naiatas sa kanyang murang mga balikat.  Tumigil din siya sa pag-aaral. 

Sa kabila ng kawalan ng pormal na edukasyon,  pinagyaman ni Andres ang kanyang kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa ng libro sa liwanag ng lampara sa bahay. 

Taliwas sa paniniwala ng mga may kayang Pilipino, alam ni Bonifacio sa kanyang puso na hindi kailanman igagawad ng Espanya ang reporma  na kanilang hinihiling.

Kaya naman, matapos kumalat ang balita ng pagpapatapon kay Dr. Jose Rizal sa Dapitan, itinatag ni Bonifacio ang Katipunan noong Hulyo 7, 1892 sa Tondo.  Kasama niyang nagtatag  sina Valentin Diaz, Teodoro Plata (bayaw ni Andres), Ladislao Diwa, Diodato Arellano (bayaw ni Marcelo H. Del Pilar) at iba pa. Layon nilang makamtan ang kalayaan ng Pilipinas sa pamamagitang ng dahas.  Bilang tanda ng buong pusong pagsapi sa Katipunan,  pinirmahan ng mga miyembro ang kasunduan gamit ang kanilang sariling dugo.

Nang madiskubre ng mga Kastila ang Katipunan noong August 19, 1896, tinipon ni Bonifacio ang mga Katipunero sa Pugad Lawin noong August 23, 1896 at doon ay pinunit nila ang kanilang mga sedula bilang tanda ng kanilang hayagang pag-aaklas laban sa Espanya at simula ng Rebolusyong Pilipino laban dito.

Maraming naipanalo na labanan si Andres Bonifacio at ang kanyang mga tauhan.  Dahil sa pagdami ng mga nakianib sa Katipunan, nagkaroon ng dalawang pangkat ang samahan— ang Magdiwang ni Bonifacio at Magdalo ni Emilio Aguinaldo. 

Isang asembleya ang ginanap sa Tejeros, Cavite upang pag-isahin ang mga Pilipino na nagnanais ng kalayaan.  Si Bonifacio ang nagsilbing pansamantalang tagapamahala sa pagtitipon upang itatag ang Republika ng Pilipinas.  Nanalong pangulo si Emilio Aguinaldo sa ginawang eleksyon, samantalang si Mariano Trias naman ang bise president.  Naging kalihim ng mga panloob na usapin naman si Bonifacio.

Ngunit sa gitna ng halalan ay kinuwestiyon ni Daniel Tirona ang kwalipikasyon ni Bonifacio, dahilan upang magalit ito.  Bilang supremo,  idineklara ni Bonifacio na walang-bisa ang nagging halalan.  Lumikas siya at ang kanyang mga taga-suporta sa Naic, Cavite at doo’y nagtatag sila ng sariling pamahalaan at sandatahang-lakas.

Dahil dito ay ipinaaresto ni Aguinaldo si Bonifacio.  Sumailalim sa paglilitis si Bonifacio at hinatulan ng  kamatayan.

Pinatay ng mga tauhan ni Aguinaldo si Bonifacio sa kabundukan ng Maragondon, Cavite noong Mayo 10, 1897.

Reference: Philippine News Agency archives