Connect with us

History

Today in Philippine History: Pagbabalik-tanaw sa bagsik ng Bagyong Yolanda

Published

on

Larawan mula sa www.google.com/images

Sa parehong araw, Nobyembre 8, noong 2013, nanalanta ang binasagang pinakamalakas at pinakamapanirang bagyo sa kasaysayan ng Pilipinas. 

Makalipas ang anim na taon, sariwa pa rin sa alaala ang bagsik ng Bagyong Yolanda na may ­international name na Haiyan.

Nasa 6,000 ang namatay sa bansa dahil  sa pananalasa ng bagyong Yolanda, humigit kumulang 190 sa bilang na ito ay mga biktima sa Iloilo, Cebu, Roxas City, at Aklan.

Isa sa pinaka matinding tinamaan ng Bagyong Yolanda ay ang lalawigan ng Leyte.

Makalipas ang bagyo,  maraming mga lugar sa buong bansa ang hindi agad nahatiran ng tulong dahil sa labis na pinsala sa mga daan. Hindi rin halos agad naitala ang mga apektadong probinsya sa  mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices.

Dahil sa malakas na buhos ng ulan at bugso ng hangin, maraming mga kabahayan at mga pananim ang nasira. Hindi rin nito pilamapas ang mga simbahan at mga paaralan.

Naputol ang supply ng kuryente maging ng komunikasyon dahil sa mga nabuwal na puno at poste ng kuryente. Nakadagdag din ang mga ito sa hirap ng pagpapaabot ng tulong sa mga nasalanta dahil nakaharang ang mga ito sa daan.  

Sa kabila ng pagtila ng ulan, patuloy pa rin ang pagtaas ng baha dahil sa tubig na nagmumula sa matataas na lugar.

Sa bayan ng Kalibo, maging ang ABL Sports Complex na nagsisilbing evacuation center at provincial command center ay hindi nakaligtas sa pananalasa ng Bagyong Yolanda. Nasira ito at natuklap ang bahagi ng bubong dahil sa lakas ng hangin.

Sa ulat ni Galo Ibardolaza, executive officer ng Provincial Disaster Council ng Aklan,  6 sa 15 bayan ng probinsya ang labis na napuruhan ng bagyo.  Humigit kumulang 11,461 na mga kabahayan ang nawasak, at nasa 6,855 ang nasira.

Ayon kay Aklan Gov. Florencio Miraflores, mas matindi ang lakas ng Bagyong Yolanda kumpara sa Bagyong Frank na noon ay inakalang pinakamapinsalang bagyo na nanalanta sa Aklan at sa iba pang bahagi ng Kanlurang Kabisayaan.

Anim na taon at nakabangon na ang probinsya, maging ang mga mamayan.  Sa kabila nito, patuloy pa ring magiging bahagi ng kanilang mga buhay ang dinanas na delubyo, lalo na sa mga nawalan ng tahanan, ng kabuhayan, at mga mahal sa buhay.