TODO Espesyal
Guro, suspendido sa paggupit ng buhok ng 50 estudyante
Sinuspende ang isang high school teacher sa Bangladesh makaraang gupitan ang buhok ng 50 estudyante bilang disiplina ayon sa mga lokal na opisyal.
Nangyari ang panggugupit ni Sekandar Ali, headmaster ng Joari High School sa bayan ng Baraigram, noong Pebrero 9 ng hapon na nagdulot ng takot sa 50 estudyante ayon kay Dilip Kumar Das, lokal na hepe ng pulisya.
Nasugatan ang ilan sa mga estudyante na nag udyok ng mga protesta ani Das.
May pagka-old school umano ang 60 anyos na guro kaya pinarusahan nito ang mga estudyante dahil sa mahahabang buhok.
Daan-daang mag-aaral, magulang, at mga residente ang nagprotesta sa bayan para aksyunan ng mga otoridad ang nangyari at naghain sila ng formal complaint sa government administrator.
Nagbunga ito ng pagkakasuspinde ni Ali.
Bumuo na rin ang pamahalaan ng komite na mag-iimbestiga sa insidente.
Mahigpit na ipinagbabawal sa Bangladesh ang physical punishment mula pa noong 2011 kasunod ng serye ng mga ulat na may mga estudyanteng nagtamo ng kritikal na pinsala dahil sa pamamalo.
Maaaring sampahan ng kasong criminal at mapatalsik sa serbisyo ang guro sakaling mapatunayang na nagkasala.
Source: https://remate.ph/guro-sa-bangladesh-sinuspende-vs-paggupit-ng-buhok-ng-50-studes/