TODO Espesyal
Koreanang nag-major sa Filipino, pinabilib ang mga netizens
-Hinangaan ng marami ang Koreanang nag-major sa Filipino
-Nagtapos si Kim Jeeyoon sa Busan University of Foreign Studies
-Pinasalamatan siya ng Pinoy netizens sa pagmamahal niya sa Wikang Filipino
Hinangaan ng maraming Pilipino ang Busan University of Foreign Studies graduate na si Kim Jeeyoon; isang Koreanang nag-major sa Filipino at ngayon ay mahusay nang magsalita ng nasabing wika.
Sa Facebook, ipinaabot ng University of the Philippines (UP) professor na si Jovy Peregrino ang kanyang pagbati kay Jeeyoon na nagtapos sa kursong Bachelor of Arts in Filipino sa isang unibersidad sa Busan noong Agosto 23.
“Pagbati, Kim Jeeyoon, sa iyong pagtatapos sa Busan University of Foreign Studies, major sa Filipino. Ikinararangal kita. Mabuhay ka,” saad ng propesor sa caption ng kanyang post, na ikinatuwa ng maraming Facebook users na Pilipino.
Binati rin ng mga Pilipino na nag-share ng post ang Koreanang si Jeeyoon dahil sa pagmamahal nito sa Wikang Filipino.
“This is amazing. A Korean majoring in Filipino….Salamat, Dr. Jovy M Peregrino,” ani Carole Raymundo Diamante.
“Buti pa dayuhan natutuwa pag-aralan ang wika/bansa natin….Pagbati para sa’yo Kim Jeeyoon,” sabi ni Akira Aihara.
“Pagbati sa iyo! Kung sa ibang bansa, nagpapakadalubhasa sila sa Filipino, bakit sa bansang Pilipinas mismo hindi marunong magpahalaga ang ibang tao sa pambansang wika? Wika at Panitikan, pagyamanin, payabungin….Mahalaga ang Wikang Filipino! Wikang nagpakilos at nagbubuklod sa mga mamamayan ng Pilipinas!” wika naman ni Jerick Gonzales.
Marami rin ang nagsabi na sana ay pahalagahan din ng mga Pilipino ang Wikang Filipino sa paraan kung paano ito pinahalagahan ng isang Koreanang piniling magpakadalubhasa rito.
Source: Definitely Filipino