Connect with us

TODO Espesyal

Obra nang isang Pilipinong pintor, gawa sa dugo

Published

on

Ang sining di umano, ay may iba’t ibang uri ng estilo, at bawat alagad ng sining ay may kaniya-kaniyang paraan ng pagpapahayag nito. Buhay na patunay rito, si Elito “Amangpintor” Circa.

Sa halip na pintura, sariling dugo niya ang gamit sa bawat larawang kaniyang ipinipinta.

Limang taong gulang pa lamang si Amangpintor nang matuto itong magpinta. Sa murang edad ay nagsimula siyang mag eksperimento at tumuklas ng iba’t ibang medium of art. Hanggang maisipan niyang magpinta gamit ang kaniyang sariling dugo. Para sa kaniya, nagiging mas personal at nagkakaroon siya ng mas malalim na koneksyon sa kaniyang mga obra.

Ayon sa pintor, “Ang mahalaga, ine-express yung damdamin mo doon sa blood mo. At the same time, yung tipong masarap sa pakiramdam mo kasi parang personalized siya na hindi pwede dayain, hindi pwedeng gayahin.”

Malayo umano  ang pagkakaiba ng pagpipinta gamit ang pintura at dugo. Dagdag pa niya, ang pintura, ay maaaring burahin, samantalang ang dugo hindi.  “Pagka nailagay mo siya, mahirap nang burahin. So kailangan perfect ang pagkakalagay mo kaagad,” saad ng pintor.

Sa tuwing kakailanganin niya ng gagamitin sa pagpipinta, kinukunan siya ng isang kaibigang duktor ng dugo, at ito na rin ang nagsasalin sa maliliit na mga lalagya. Ilalagak ito sa refrigerator upang mapanatili ang kondisyon nito.

Naibahagi rin ng pintor na may ibang mga taong takot sa dugo dahil iniisip nila na ang kahulugan ng dugo ay kamatayan. Pero para sa kaniya, nais niyang baguhin ang ganitong uri ng pananaw. Naniniwala siya na ang dugo ay sumisimbolo ng buhay at pag-ibig.

Nakatatapos ng isang “blood painting” si Amangpintor sa loob lamang ng limang oras.