TODO Espesyal
Pastor Quiboloy ‘Appointed Son of God’, kinasuhan ng rape at child abuse
Nagsampa ng kaso ang dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) church laban kay Pastor Apollo Quiboloy dahil sa umano’y pang-aabuso at kahalayan nito.
Nagharap ng asunto sa National Prosecution Service Office of the City Prosecutor sa Davao City nitong Hwebes (December 19) ang biktimang si Blenda Sanchez Portugal, 22-anyos, laban sa pastor at lima pang kasama nito na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Pauline Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes.
Sa sinumpaang salaysay ni Portugal na dating ‘full time miracle worker’ ng simbahan, ipinakilala siya kay Quiboloy ng kanyang ama, na dating miyembro ng KJC noong siya ay 10 taong gulang pa lamang.
Naganap umano ang panggagahasa ni Quiboloy sa kanya noong 2014, habang siya ay 17 taong gulang at iskolar ng religious leader.
Bukod sa pang-aabusong sekswal, puwersahang pinapapatrabaho umano sa kanila na magbahay-bahay upang manghingi ng pera gamit ang iba’t ibang pangalan ng simbahan.
Pinabulaanan naman ng kampo ni Quiboloy ang mga akusasyon sa kanya.
Sa press briefing ni Atty. Isarelito Torreon, legal counsel ni Quiboloy, sinabi nito na walang basehan ang mga akusasyon ng babae at ito ay isa lamang malaking “conspiracy” para pabagsakin ang nagpakilalang ‘Appointed Son of God’.
Source| https://tonite.abante.com.ph/quiboloy-kinasuhan-ng-rape-child-abuse/ https://tonite.abante.com.ph/quiboloy-kinasuhan-ng-rape-child-abuse/