TODO Espesyal
Teacher na nagpapanood ng malaswang video sa mga mag-aaral, nag-resign na


Nagbitiw na sa tungkulin ang Biology teacher ng Pili National High School na nagpapanood ng malaswang video sa kaniyang mga mag-aaral na Gr. 10. Hindi na umano kinaya ng guro ang pangungutyang natatanggap niya dahil sa insidente.
Ang mismong punong-guro ng Pili National High School ang nagpa-abot ng resignation letter ng guro kay Dr. Roel Bermejo, Schools Division Superintendent ng Iloilo, kasabay ang incident report. Ang nasabing resignation letter umano ay “effective immediately.”
Ayon kay Bermejo, nais umano ng guro na magkaroon ng peace of mind. Sa kabila nito, hindi umano kinakitaan ng pagsisisi ang guro.
Sa kabila ng pagbibitiw ng guro, siniguro ng Iloilo Schools Division na tuloy pa rin ang imbestigasyon. Saad pa ni Bermejo, aalamin sa imbestigasyon kung angkop ba ang sinabing video sa mga mag-aaral.
Ang incident report naman ng punong-guro ay ipadadala sa DepEd Regional Office kahit hindi na nito saklaw ang guro dahil sa pagbiitiw nito.
Hindi naman itinago ng mga local officials ang pagkadismaya sa guro at sa ginawa nito. Ipinatatawag na rin ng Sangguniang Bayan ng Ajuy ang guro.
Ang nasabing guro di umano ay nagtapos ng kursong Biology, at natanggap na makapagturo sa high school dahil sa ilalim ng K-12 program, may mga asignaturang maaaring ituro ng hindi Education graduate.
Saad ni Bermejo, “As to the two Grade 10 classes that were shown the sex video, the Iloilo schools division deployed a registered guidance councilor to Pili National High School to determine what interventions are needed, if at all.”
Inatasan din niya ang punong-guro na siguraduhing may hahalili sa nabakanteng posisyon ng nagbitiw na guro.
Ang kaganapang ito rin ang nag-udyok kay Ajuy Sangguniang Bayan member Angel Briones, Chairperson of the Committee on Public Order and Safety, na tanungin ang DepEd kung sino nga ba ang dapat na humawak at magturo ng sex education sa mga paaralan, mga guro ng agham ba o ang guidance counselor?
Pahayag naman ni Mayor Jett Rojas, wala siyang nakikitang problema sa pagkakaroon ng sex education sa mga paaralan, ngunit pinagdiinan niyang dapat isaalang-alang ang paggamit ng mga teaching materials na angkop sa mga mag-aaral.
Dagdag pa ng alkalde, kung hindi magiging maingat, “youngsters could form silly ideas from sex education materials not suitable for their age.”
Ani Rojas, “Kon tan-awon mo gid (ang video), pang-married couple ini nga ma-spice up ang ila sexual life. Ti, ang audience mo kabataan, suited bala ini sa ila?”
Ayon naman kay Bermejo, may accessible portal umano ang DepEd para sa mga teaching materials na angkop sa pagtuturo ng sex education. Maaari din umanong magsagawa ng teachers’ seminar tungkol dito ang Iloilo Schools Division.