TODO Espesyal
Teenager, sapilitang pinalundag ng 3000 beses kada araw ng ina para tumangkad
Nauwi sa disgrasya ang sapilitang pagpapaluksong-lubid ng 3000 beses kada araw ng isang ina sa China sa kanyang 13-anyos na anak na babae para raw tumangkad.
Ilang beses na raw na nagreklamo ang bata na sumasakit na ang kanyang tuhod pero hindi nakinig ang kanyang ina sa paniniwalang tinatamad lang ang kanyang anak.
Pero nang hindi na makayanan ng anak ang sakit, dinala na ito sa doktor.
Ayon sa doktor, nagkaroon ng ‘traction apophysitis’ sa tibial tubercle ang bata dahil sa sobrang pag-eehersisyo.
Inamin naman ng ina na pinaglukso nga niya ang anak ng 1000 beses sa umaga, 1000 sa tanghali at 1000 din sa gabi sa loob ng ilang buwan.
Binalaan na rin siya ng doktor na iwasan ang sobrang pagpapa-ehersisyo sa kanyang anak.