TODO Espesyal
Top 1 sa Licensure Examinations for Teachers, produkto ng ALS
“My God is so big. So strong and so mighty. There’s nothing my God cannot do for you,” saad ng Topnotcher sa 2019 Licensure Examination for Teachers na si Kezia Keren Ambag sa kanyang facebook post.
Trending ngayon sa social media ang kwento ng tagumpay ni Teacher Kezia sa pagsungkit niya ng unang pwesto sa 2019 LET exam na may rating na 92.60.
Produkto si Ambag ng Alternative Learning System o ALS.
Ayon kay Teacher Kezia, hindi niya natapos ang Grade 5 sa Faith Baptist Christian Academy sapagkat lumipat sila ng kanilang pamilya sa Talacogon, Agusan Del Sur para mag ‘mission’ kasama ang kanyang mga magulang sa kanilang simbahan.
Gayunpaman, tinanggap naman si Ambag na first year high school student sa Talacogon National high School kahit di siya naka-graduate sa elementary.
Advance sa required na curriculum ang kanyang pinasukan sa elementary kung kaya’t nakapasok siya umano sa first year high school.
Pastor ang kanyang ama habang nagtuturo naman ang kanyang ina sa Faith Baptist Children Learning Ministry.
Samantala, muling hindi naka-graduate si Ambag sa high school sapagkat tumulong umano siya sa kanyang ina sa kanilang Learning Ministry.
Minabuti na lamang nyang mag-hinto sa pag-aaral para makatulong sa kanyang ina.
September 2012 ng siya ay huminto sa third year high school at noong 2013 nag-aral muli sa ALS.
Inamin ni Ambag na nahirapan siya sa kanyang pag-aaral sa ALS sapagkat sadyang kulang umano ang kanyang mga gamit.
Module lang ang kanyang gamit sa pag-aaral at mayroon pa daw limitasyon sa oras ang paggamit nito.
COLLEGE LIFE
Nag-enroll siya sa Philippine Normal University Mindanao taong 2015 sa kursong Early Childhood Education.
Ayon sa kanya nahirapan siyang mag-adjust sa kanyang mga klase lalo na sa Physics, Trigonometry at sa iba pang subjects sapagkat hindi nya raw ito napag-aralan.
Pero aniya hindi ito rason para sya ay mag give-up sa kanyang pag-aaral.
Noong siya ay sa second year college, napabilang siya sa dean’ list hanggang sa nagtapos noong 2019 bilang isang cum laude.
Wika ni Ambag ang kanyang pagsusumikap at tiwala sa Diyos ay naging daan upang makamit niya ang kanyang minimithi sa buhay.
Pahayag pa nito na dapat umanong ibagay ang “best” sa lahat na gagawin at magdasal sa Panginoon.
Binahagi din ni Ambag ang kanyang life verse sa Psalm 37:4 “Delight thyself also in the Lord: and He shall give thee the desires of thine heart.”
“Hindi pa huli ang lahat. Try harder and always shoot for the highest and brighter star,” dagdag pa nito.
“Have faith in God because God can do miracles,” ani Ambag.
Via / Aksyon Radyo Iloilo