Iloilo News
BARANGAY NA DATING PUGAD NG MGA KAWATAN NG KURYENTE, JUMPER-FREE NA NGAYON


Ipinagmalaki ng mga residente ng Barangay San Pedro, Molo na sila ang kauna-unahang Baranggay sa lungsod ng Iloilo na inihayag ng MORE Power na jumper-free o wala nang nagnanakaw ng mga kuryente.
Ayon kay Punong Baranggay Carl John Lapascua, inaasahan nilang magbabago na ang pagkilala ng publiko sa kanilang barangay na dating pugad ng mga kawatan ng kuryente.
Batay sa opisyal, 50% sa mahigit 700 kabahayan ang walang sariling kuntador kaya’t ilegal silang nagnanakaw ng mga kuryente rason kung bakit ilang beses nang nasunugan ang lugar.
Nabatid na ilang beses na rin nagsagawa ng operasyon ang MORE Power Iloilo apprehension team.
Ngunit dahil sa kanilang sinseridad na matigil ang mga ganitong insidente, nagmungkahi sila sa electric distribution company na tugisin ang mga illegal connections sa kanilang lugar at para kumbinsihen ang mga residente na magpalagay ng sariling kuntador.
Agad namang nagpatayo ang MORE Power ng 17 bagong poste at inilagay na maayos ang mga kuntador para malapit na lang sa mga kabahayan at para mabantayan nang maigi.
Tinaasan rin ang kapasidad ng transformer para hindi mag-low voltage at inayos ang mga linya ng kuryente.
Nagtulong-tulong rin sila sa paglagay ng mga kuntador sa mahigit 300 kabahayan.
Tumulong rin ang ilang telephone companies para maayos ang spaghetti at dead wires.
Nagpasalamat naman ang mga residente sa nangyaring operasyon. Ayon kay Rosemarie Amaraco, tutulong sila sa pagbabantay para wa lang ng jumper sa kanilang barangay.
Batay naman kay Mr. Francis Cruz, spokesperson ni Mayor Jerry Treñas, ang nangyari sa San Pedro ang magbabago sa mga mentality ng publiko na kung dadating ang mga personnel ng MORE Power, hindi dapat sila mabahala kundi dapat nilang itong ikasiya dahil aayusin ang mga kuryente sa kanilang lugar.
Itinuturing naman ni MORE Power President Roel Castro na malaking tagumpay ang nasabing proyekto sa tulong din ng mga opisyal ng barangay.