Connect with us

Iloilo News

Mayor Jerry Treñas nais isama ang Dinagyang Festival at Molo Church sa DOT Promo Video

Published

on

Dinagyang Festival
Photo by: DINAGYANG FESTIVAL (Iloilo, Philippines) Facebook Page

ILOILO CITY – Binabalak ni Mayor Jerry Treñas na isama ang ipinagmamalaking Dinagyang Festival ng Iloilo at ang historikal na Simbahan ng Molo sa susunod na promotional video ng Department of Tourism (DOT).

Sa isang pahayag ngayong Martes, sinabi ni Mayor Treñas, “Ngayon na natapos na ang kontrata ng DOT para sa ‘Love the Philippines’ video at promosyon, marahil sa susunod na video/promosyon, maaaring maisama na ang Iloilo Dinagyang o ang simbahan ng Molo.”

Ang Dinagyang Festival, na kinilala bilang Best Tourism Event of the Philippines Hall of Fame Awardee ng Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) at isa sa Top 10 Best Local Governance Practice Awardees noong 2012 Galing Pook Awards, ay may malaking potensyal na maisama sa nasabing video ayon kay Mayor Treñas.

Sinabi rin ng Mayor na nagbabalak ang city government na magpadala ng opisyal na liham sa DOT para dito.

Samantala, ayon kay Junel Ann Divinagracia, ang Tourism and Development officer ng Iloilo City at national president ng ATOP, ang Simbahan ng Molo ay isa sa pinakamatanda at kaakit-akit na simbahan sa Western Visayas.

Natatangi rin ito dahil sa loob ng simbahan ang mga imahen na makikita dito ay mga santang babae lamang. Bilang kilalang heritage at national landmark, malaki ang tsansa na maisama rin ito sa video.

Naniniwala si Divinagracia na ang pagiging bahagi ng mga ito sa promotional video ng DOT ay magdadala ng karangalan sa mga Ilonggo.

“Alam natin na ang promosyon ng DOT ay all over the world. Iyon ang mag-uudyok sa interes ng mga tao sa ibang bansa,” ayon kay Divinagracia.