Connect with us

International News

179 nasawi sa plane crash sa Muan, South Korea

Published

on

Photo: Yonhap News Agency

UMABOT sa 179 ang bilang ng mga namatay dahil sa bumagsak na eroplano ng Jeju Air na may sakay na 181 katao habang papalapag ito sa Muan International Airport sa South Korea nitong Disyembre 29, Linggo ng umaga.

Ayon sa ulat ng Yonhap News Agency, nangyari ang aksidente mga bandang alas-9 ng umaga kung saan lumapag ang eroplano na walang landing gear kaya dumiretso ito sa sementadong pader bago ito lumiyab at sumabog.

Kinumpirma din ng mga otoridad na dalawang crew member ang kanilang nareskyu at dinala sa pinakamalapit na ospital.

Sa pahayag naman ng firefighting agency, mahirap umanong makita at makilala ang mga nasawi dahil wasak na ang eroplano.

Dagdag pa ng ahensya, nasa proseso na sila ng pagkuha ng mga katawan ngunit matatagalan pa ito.

Nagmula sa Bangkok, Thailand ang Boeing 737-800 na eroplano at nakatakdang dumating sa Muan mga bandang 8:30 ng umaga. Puro Korean ang mga pasahero maliban sa dalawang Thai nationals.

Naglabas ng statement si Jeju Air CEO Kim E-Bae kung saan humingi ito ng tawad at nagpaabot ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima.

Nagpangako rin si Kim na magbibigay sila ng tulong pinansyal sa kanila.

Sa kabilang banda, nagdeklara naman ang acting South Korean President Choi Sang-Mok ng isang linggong pagluluksa sa buong bansa simula Disyembre 29, araw ng Linggo, hanggang Enero 4, 2025, araw ng Sabado.| via John Ronald Guarin