International News
3000 DI BAKUNADONG HEALTH WORKERS SA FRANCE, SUSPENDIDO SA TRABAHO
Aabot sa 3,000 healthcare workers kabilang ang mga doctor at nars ang sinuspende sa trabaho dahil hindi nagpabakuna laban sa COVID-19 batay kay French Health Minister Olivier Véran.
Hindi nakaabot sa deadline na September 15 ang mga empleyado na nasuspende ayon sa French Minister.
Sa siyudad ng Nice, 320 empleyado ng University Hospital ang nasuspende noong Miyerkoles at 100 naman ang isinailalim sa status check.
Dose-dosenang resignation ang ipinasa ng mga healthcare workers kaugnay ng polisiya pero sinabi ni Veron na siguro pa rin ang kanilang healthcare system dahil nasa 2.7 million ang bilang ng mga healthcare workers sa France.
Noong Hunyo 12, inanunsyo ni French President Emmanuel Macron na lahat ng healthcare workers ay dapat na fully vaccinated laban sa COVID-19 hanggang Setyembre 15 dahil kung hindi ay masususpende o masisibak sila sa trabaho.
Sa kasalukuyan, nasa 47 million na sa mga French na may edad 12 pataas ang fully vaccinated, 81% ito ng kanilang populasyon, habang 86.1% naman ang nakatanggap na ng first dose.