International News
33 PATAY SA HAGUPIT NG BAGYONG HAGIBIS SA JAPAN


Umakyat na sa 33 ang naitalang patay habang 19 naman ang nawawala sa paghagupit ng bagyong Hagibis sa Japan.
Ayon sa Tokyo Fire Department, kabilang sa mga nasawi ay ang 70 anyos na babae matapos itong mahulog sa taas na 130 feet habang sakay-sakay ang rescue helicopter sa Iwaki City sa Fukushima prefecture.
Batay naman sa Fire and Disaster Management Agency, higit sa 1,200 na mga kabahayan ang nilamon ng baha at 517 ang nasira sa pananalasa ng bagyo.
Umapaw din ang nasa 14 ka ilog dulot ng malakas na ulan.
Kabilang sa mga lungsod at bayan na napuno ng tubig-baha ay ang Nagano, Niigata, Miyagi, Fukushima, Ibaraki, Kanagawa at Saitama prefecture.
Ayon sa tagapagsalita ng gobyerno na si Yoshihide Suga, may ilang 376,000 na mga tahanan ang nawalan ng suplay ng kuryente at 14,000 naman na mga kabahayan ang nawalan ng tubig.
Samantala, kasalukuyang nagpapatuloy na ang rescue operations sa maraming lugar sa Japan.
Nakadeploy na ang ilang libong mga sundalo at rescue workers para iligtas ang mga naipit sa pagguho ng lupa at sa malawakang pagbaha.
Si Hagibis ang sinasabing pinakamalakas na bagyong tumama sa Japan makalipas ang 60 taon.