International News
5-taong gulang na bata, patay matapos maiwan sa kotse ng ilang oras


Nasawi ang isang 5-taong gulang na batang lalaki sa Harris County, Texas, USA nang maiwan ito ng kaniyang ina sa loob ng kanilang sasakyan sa loob ng humigit kumulang 3 oras.
Ayon sa ina ng bata, inakala niyang nakalabas na ang bata sa sasakyan dahil kaya na nitong bumaba mula sa sarili nitong car seat.
Napag-alamang galing sa pamimili ang mag-iina para sa paghahanda sa kaarawan ng nakatatandang kapatid ng biktima.
Ayon pa sa ina ng biktima, naging abala siya sa preparasyon ng nasabing okasyon, kung kaya’t inabot na ng halos 2 o 3 oras bago napansing wala sa bahay ang bata.
Sinubukan pa rin umano niyang hanapin ang anak sa loob ng bahay nila, subalit hindi niya ito nakita.
Saka na naisipan ng inang silipin ang sasakyan at doon na nakita ang wala nang buhay na bata na nakaupo pa sa car seat nito.
Sa pahayag naman ni Harris County Sheriff Ed Gonzalez, lampas alas-3 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag hinggil sa pangyayari. Agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar kung saan natagpuan ang bata, at agad na nagkasa ng imbestigasyon.
Narito pa ang dagdag na pahayag mula sa sheriff, na makikita sa kanilang official Twitter account: “Pct 3 units were dispatched to the 13700 blk of Blair Hill Ln. Upon arrival units determined a child (possibly 5 yrs) was left inside a vehicle for several hours. The child was pronounced deceased at the scene. HCSO Investigators are enroute to the scene.”
Napag-alaman pang noong Lunes ding iyon ay naitala ang pinakamainit na temperarura sa Houston na umabot ng halos 102 degrees Farenheit.
Hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang HCSO gaya ng pangalan ng mga sangkot, at kung makakasuhan ba ang ina ng nasawi.