International News
Babae, itinalaga ni Pope Francis sa mataas na posisyon sa simbahan
Binali ni Pope Francis ang tradisyon ng Simbahang Katolika nang itinalaga niya ang isang babaeng mula sa France bilang undersecretary ng synod of bishops. Si Nathalie Becquart ang kauna-unahang babae na hahawak ng pwesto at ang una ring babae na magkakaroon ng kapangyarihang bumoto tungkol sa mga usaping pang simbahan.
Isa lamang si Becquart, 52 anyos, sa dalawang mga bagong undersecretary na nakatalaga sa synod. Ang synod ay ang lupon ng mga Obispo na nag-aaral ng mga “major questions of doctrine”. Si Becquart ay isang consultant ng synod mula pa noong 2019.
Ayon kay Cardinal Mario Grech, secretary-general ng synod, ang pagtatalaga kay Becquart ay isa sa mga pagsasakatuparan ng nais ng Papa na magkaroon ng mas malaking partisipasyon ang mga babae sa proseso ng pagninilay-nilay at pagpapasya sa simbahan.
“During the previous synods, the number of women participating as experts and listeners has increased,” Ani Grech.
“With the nomination of Sister Nathalie Becquart and her possibility of participating in voting, a door has opened,” dagdag pa niya.
Ang synod ay pinamumunuan ng mga Obispo at cardinal na may mga karapatang bumoto. Maaari ring magkaroon ang synod ng mga miyembro na experto subalit walang karapatang bumoto.
Si Becquart ay miyembro ng Xaviere Sisters na nakabase sa Pransiya. Mayroon siyang Master’s degree in Management mula sa prestihiyosong HEC business school sa Paris at nag-aral sa Boston bago mag-madre.
Magiging kapwa undersecretary ni Becquart si Luis Marin de San Martin, isang Espanyol.