International News
Batang climate activist na si Greta Thunberg, naglayag patawid ng Atlantic para dumalo sa UN Summit
“Our war with nature must end,”
Nag-tweet ang 16-year-old na si Greta Thunberg habang naglalayag papuntang US para sa climate summit.
Naglayag sa Atlantic sakay ng isang 60-foot na yate ang 16 taong gulang na Swedish climate activist na si Greta Thunberg para dumalo sa UN Summit sa New York. Ito ay para hindi daw siya makadagdag sa carbon emmissions na dulot ng pagsakay sa eroplano.
“Land!! The lights of Long Island and New York City ahead,” sabi ni Thunberg sa isang tweet.
Nakatakda kasi siyang dumalo sa United Nations (UN) summit on climate change sa Setyembre 23. Maliban dito, nakatakda rin siyang makipagkita kay UN Secretary-General António Guterres sa isang youth summit sa ika-21 ng Setyembre.
“It’s not very luxurious, it’s not very fancy, but I don’t need that,” sinabi ni Thunberg sa mga reporters bago maglayag sa Malizia II.
Ang estudyante na taga-Sweden ay umani ng atensyon ng buong mundo dahil sa kanyang panawagan na ang sangkatauhan ay magbawas ng greenhouse gas emissions na nakakapagpalala ng global warming. Aniya, ito lamang ang paraan upang maiwasan ang “ecological and civilizational collapse”.
Nag-umpisa si Thunberg na maging climate advocate noon nang nagsagawa siya ng isang tahimik na protesta sa harap ng Swedish Parliament noong nakaraang taon.
Mula noon, naging masugid na siyang tagapagtanggol ng kalikasan at bumuo ng isang global movement na may higit pa sa 2 milyong miyembro. Itinatag niya ang Fridays for Future, isang organisasyon na may miyembro mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo at nagsasagawa ng school strikes laban sa climate change.
“We know that our future is at risk,” sabi ni Thunberg sa mga reporter sa Switzerland sa isang pagtitipon. “We would love to go back to school and continue with our everyday lives, but as crucial as this situation is, as serious as this situation is, we feel like we must do something about this now.”
Zero ang carbon emission ng paglalayag ni Thunberg dahil na rin sa mga solar panels at hydro generators na ginamit ng yate.
Ang UN climate summit na dadaluhan ni Thunberg ay naglalayong mapabilis ang pagpapatupad ng 2015 Paris Agreement.
Noong Disyembre ng taong 2015, nagpulong sa Poland ang mga kinatawan ng ibat’ ibang bansa kabilang na ang Pilipinas, upang bumuo ng mga alituntunin upang masiguro na matatamo ang layunin na mapababa pa sa 3.6 degrees Fahrenheit ang global temperature. Sa kasamaang palad, may mga bansa na tutol dito tulad ng Estados Unidos kaya naging mabagal ang pag-usad ng krusada.
Dadalo rin si Thunberg sa COP25 climate conference sa Santiago, Chile, sa Disyembre.