International News
Briton, nahulog habang umaakyat ng bundok, patay
Patay ang isang Briton na pinaniniwalaang nahulog habang inaakyat ang tuktok ng limestone mountain na Anboto ng Basque Country, sa bansang Spain.
Tinatayang 4,367 na talampakan ang taas ng bundok, subalit hindi na ito inabot ng Briton nang aksidente itong mahulog sa Devil’s Crest, isa sa itinuturing na delikadong daan paakyat.
Ang nasawing hindi na pinangalanan ay 25-taong gulang at sinasabing inakyat ang bundok kasama ang isa nitong kaibigan.
Naganap ang aksidente nitong Huwebes, kung saan agad namang ikinasa ang isang malawakang rescue operation.
Ayon sa mga kinauukulan, “The alarm was raised around 8:30pm, saying the 25-year-old had gone missing near to the Alluitz mountain summit.”
Sabado na nang matagpuan ng mga search & rescue teams ang katawan ng nasawing Briton.
Narito ang opisyal na pahayag ng Ertzaintza police force, “Emergency services have located the lifeless body of the mountaineer who we had been searching for since Thursday evening.”
Dagdag pa nila, “A police helicopter found his body in a place called the canal de Infernu Zubi, near to the Alluitz peak, where it appears he could have suffered a fall.”
Maaari umanong nagkahiwalay ang magkaibigan, kung saan inabot ng sama ng panahon ang nasawi. Sinasabi ring maaring nagpatuloy ito sa pag-akyat at dito na naaksidente.
Nagkasa na ng imbestigasyon ang kapulisan hinggil sa nangyari. Isasailalim din sa post-mortem examination ang labi ng Briton.