International News
BUBONG AT HOOD NG MGA ABANDONADONG TAXI SA THAILAND, TINANIMAN NG GULAY AT BULAKLAK
Nagkaroon muli ng pakinabang ang mga abandonado nang taxi sa Bangkok matapos pumayag ang may-ari ng isang rental company na taniman ng kanilang mga empleyado ng mga halaman ang kanilang mga decommissioned nang sasakyan.
Ang dating isang parking lot na puno ng lumang sasakyan ay ginawang community garden ng mga empleyado ng Ratchaphruek Taxi Cooperative rental company kung saan tinaniman nila ng mga gulay at bulaklak ang mga bubong at hood ng mga out-of-use na taxicab.
Nagkaroon ng matinding COVID-19 outbreak sa Thailand noong Abril kaya nagpatupad ng mga lockdowns ang kanilang pamahalaan upang masawata ang paglala ng sitwasyon.
Subalit ang mga lockdowns, kaakibat ng pagbulusok ng bilang ng mga turista mula sa ibang bansa, ay labis na nakaapekto sa ekonomiya ng Thailand.
Pinakanaapektuhan dito ang mga independent contractors at temporary workers tulad ng mga taxi drivers.
Nakapagtala na ang Thailand ng 1.39 milyong kaso ng COVID-19, kung saan 14, 485 ang namatay.
Larawan mula sa laprensalatina.com