International News
COVID-19 test kit sa Taiwan, 90% accurate
Naka-develop ang Taiwan ng COVID-19 test kit na malalaman ang resulta sa loob lang ng isang oras, at may 90% accuracy na mas mataas sa ginawa ng China.
Sa kanilang press release nitong Miyerkoles, sa ulat ng Taiwan News, sinabi ng Industrial Technology Research Institute task force na nakagawa sila ng new nucleic acid test kit na “superior” sa conventional methods.
Matapos kunin ang swab sample sa lalamunan o ilong ng pasyente, titingnan ng test kit kung may presensiya ito ng SARS-CoV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19. Maglalabas ito pagkatapos ng results sa loob lang ng isang oras, na 75% mas mabilis sa conventional test.
Kahit mabilis ang resulta, meron anila itong accuracy level na 90 percent, mas mataas sa 20% hanggang 40% accuracy rate ng Chinese-made test kits na pinadala sa Spain, Czech Republic, at Pilipinas.
Highly sensitive din anila ang test kit dahil kaya nitong ma-detect ang infection mula Day 0 hanggang Day 7 sa incubation period, kung kailan mababa pa ang viral concentration.
Dagdag dito, kasingbigat at kasinlaki lang ng soda can ang test kit (nasa 600 gramo), na 57 beses mas magaan kaysa traditional devices. Ibig sabihin, mas portable ito at madaling mabibitbit ng medical professionals na magsasagawa ng rapid test sa field.
Inaasahan ng ITRI na masimulan ang mass production ng test kits sa dulo ng Hulyo.
Article: ABANTE