International News
DAHIL HINDI MABIGYAN NG APO, MAGULANG SA INDIA, IDINEMANDA ANG ANAK
Idinemanda ng mag-asawa mula sa India ang kanilang anak na lalaki dahil hindi umano sila nito mabigyan ng apo.
Kinilala ang ang mag-asawang sina Sanjeev, 61 at Sadhana Prasad, 57 habang ang anak naman nila ay kinilalang si Shrey Sagar, 35.
Ayon sa mag-asawang Prasad, halos maubos ang kanilang ipon sa pagpapalaki sa kanilang anak. Umabot na rin umano sa $65,000 ang nagastos nila sa pag-aaral ni Shrey sa Estados Unidos upang maging piloto.
Dagdag pa nila, malaki rin ang kanilang nagastos sa kasal ng kanilang anak kabilang na ang reception sa isang five-star hotel, regalong sasakyan na nagkakahalaga ng $80,000 at ang honeymoon ng mag-asawa sa ibang bansa.
Umaasa umano silang mabigyan ng apo na lilibang sa kanila sa kanilang pagre-retiro subalit hindi pa rin ito nangyayari kahit halos anim na taon na umanong kasal ang kanilang anak sa asawa nito.
Dahil dito, nagpasya silang sampahan ng kaso ang kanilang anak dahil umano sa dinulot nitong mental harassment sa kanila.
Ayon sa mag-asawa, kailangang mabigyan sila ng apo sa loob ng isang taon dahil kung hindi ay oobligahin umano nila ang kanilang anak na magbayad ng danyos na aabot sa $650,000.
Dagdag pa ng kanilang abogado, ang hinihinging halaga ng mag-asawang Prasad ay bilang danyos umano sa kanilang dinanas na mental cruelty mula sa kanilang anak.
Nakatakdang magharap sa husgado ang pamilya sa darating na Mayo 17.