International News
Di bababa sa 170, patay sa pagbagsak ng Ukrainian plane sa Iran
Walang ni isang nakaligtas sa pagbagsak ng isang Ukrainian passenger plane malapit sa airport ng Tehran, Iran ngayong Miyerkoles, ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky.
Sakay ng eroplano ang 167 pasahero at siyam na crew ayon sa Islamic Republic News Agency (IRNA).
Sinabi ni Red Crescent head Morteza Salimi, na imposibleng umanong may makaligtas na pasahero at crew sa bumagsak na eroplano.
Batay sa inisyal na impormasyon, papunta sanang Kiev ang Boeing 737 na pagmamay-ari ng Ukraine International Airlines nang bumagsak ito dahil sa nangyaring ‘mechanical issues’.
Nagpadala ng 22 ambulansya at apat na bus ambulances ang Iran Emergency Services ngunit nahirapan ang mga emergency crew sa pagsagawa ng rescue operations dahil sa matinding sunog sa crash site.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa nagpapalabas ng opisyal na pahayag ang Ukrainian International Airlines.