International News
GORILYA NA TINAMAAN NG COVID-19, GUMAGALING NA DAHIL SA ITINUROK NA ANTIBODIES
Isang matandang gorilya sa San Diego Zoo ang malubhang tinamaan ng COVID-19 at ngayo’y gumagaling na dahil sa makabagong synthetic antibody treatment.
Isa si Winston, 48, sa mga gorilya sa San Diego Zoo Safari Park na nagpositibo sa virus base sa mga fecal sample results na inilabas noong Enero 11.
Ito ang kauna-unahang kaso ng natural transmission ng virus sa mga great apes, at pinaghihinalaang dahil ita sa pagkakaroon ng contact ang mga tsonggo sa isang asymptomatic na empleyado ng zoo. Nahawa umano ang mga tsonggo sa kabila ng pagsuot ng personal protective gear ng mga empleyado.
“The troop was infected with a new, highly contagious strain of the coronavirus, recently identified in California,” pahayag ng San Diego Zoo Global, ang nonprofit organization na nagpapatakbo ng nasabing zoo and safari park.
Matatandaang dalawang research groups sa California ang nakatukoy ng isang homegrown strain ng coronavirus na pinaniniwalaang sanhi ng panibagong pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID sa Golden State.
Patuloy pa ring inoobserbahan ang mga gorilya sa naturang zoo at ang ilan sa kanila ay nagpapakita ng mga sintomas tulad ng pag-ubo, hirap sa paghinga dahil sa paninikip ng dibdib, sipon, at panghihina.
Dahil sa kanyang edad, isinailalim si Winston sa anesthesia habang sinusuri.
Nakumpirma ng mga beterinaryo na ang silverback ay may pulmonya at sakit sa puso kaya naman agad siyang binigyan ng heart medication, antibiotics, at monoclonal antibody therapy.
Ang monoclonal antibodies ay ang antibodies na ginawa sa laboratory at kahalitulad ng infection-fighting proteins na makikita sa ating katawan. Ito ay ibinibigay sa pasyente sa pamamagitan ng intravenous infusion.
Ang COVID-19 monoclonal antibodies ay isa sa mga gamot na approved for emergency use sa US at ginamit sa dating presidente ng US na si Donald Trump.
Ayon sa pahayag ng zoo, ang ginamit kay Winston ay galling sa suplay na hindi akmang gamitin sa tao.
“The veterinary team who treated Winston believe the antibodies may have contributed to his ability to overcome the virus,” sabi pa sa pahayag.
Nakatanggap ng suplay ng mga bakuna laban sa COVID-19 ang San Diego Zoo Global at inaalam na ng mga beterinaryo kung alin sa mga hayop sa zoo ang kinakailangang turukan ng limitadong suplay ng gamot.
Hindi pinangalanan sa nasabing pahayag kung ano ang bakunang ito ngunit binanggit na base ito sa synthetic version ng isang surface protein ng virus. Ang naturang bakuna at ginawa upang gamitin sa hayop.
Si Winston ay kabilang sa mga critically endangered na western lowland gorilla. Dumating siya sa San Diego Safari Park noong 1984 at ayon sa website ng zoo, magdiriwang siya ng ng kanyang ika-49 na kaarawan sa February 20.
Siya ay itinuturing na isa sa mga pinakamatandang male breeding gorilla at ang lider ng kanyang tropa.