Connect with us

International News

Ina, patay; 2 bata, sugatan dahil sa aksidente sa parasailing

Published

on

📷: nbcmiami.com

Patay ang isang ina, habang sugatan anak at pamangkin nito dahil sa aksidente habang nagpa-parasailing sa Florida, USA.

Kinilala ang nasawi na si Supraja Alaparthi, 33-taong gulang, habang ang 10-taong gulang na anak at 9-na taong gulang na pamangkin nito ay hindi na pinangalanan.

Ang mga biktima ay mula sa Illinois at nagbabakasyon lamang sa Florida para sa Memorial Day nang maganap ang aksidente.

Malakas na bugso ng hangin ang itinuturong dahilan kung kaya’t nahatak umano ng bukas na parasail ang kinatatalian nitong bangka.

Sa pangambang malagay sa panganib ang buhay ng kaniyang crew at ng iba pang lulan ng bangka kabilang na ang mga kapamilya ng tatlong nagpa-parasailing, nagdesisyon ang kapitan na kinilalang si Daniel Couch, 49-taong gulang, na putulin ang tali ng parasail na nakakonekta sa bangka.

Ayon sa ulat ng US Coast Guard, “With the parasail pegged, the Captain cut the line tethered to three victims.”

Dahil sa lakas ng hangin, patuloy na nahila ang mga biktima nang halos isang milya ang layo hanggang sa bumangga ang mga ito sa Seven Mile Bridge bago tuluyang bumagsak sa dagat.

Isang bangkero ang nakasaksi sa aksidente at agad na sumaklolo. Iniahon sa dagat at isinakay niya sa kaniyang bangka ang mga biktima. Binigyan din niya ng pangunang lunas habang inihahatid ang mga ito sa mga paramedics.

Natagpuan ng bangkero ang 10-taong gulang na biktima na may mga tinamong pinsala subalit may malay, habang ang 9-taong gulang na biktima ay walang malay at napuluputan ng mga lubid ng parasail.

Nasawi ang babaeng biktima, habang nagpapagaling naman ang dalawang batang lalaki sa ospital.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Coast Guard at ng wildlife agency ng Florida. Sa pahayag ng Coast guard, layon nilang alamin ang “causal factors and mitigate future casualties to make the waterways as safe as possible.”

Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya ang itinuturing na parasailing pioneer na si Mark McCulloch, 66-taong gulang, sa ginawa ng kapitan ng bangka.

Ayon kau McCulloch, “That’s the golden rule. Do not cut the line.”

Continue Reading