Connect with us

International News

Kumpanyang AstraZeneca/Oxford, Inamin na 76% lang ang bisa ng AstraZeneca, hindi 79%-90%

Published

on

Ibinaba mismo ng kompanyang AstraZeneca/Oxford University ang bisa ng bakuna nitong AstraZeneca makaraang ulanin ito ng batikos mula sa United States sa magkakaibang pinalalabas nitong bisa.

Sinabi ng nasabing kompanya na 76 porsyento lang ang bisa nito laban sa COVID-19 at hindi 79% na unang inihayag nito para sa US..

Nauna rito, sinabi ng kompanya na aabot sa 90% ang bisa nito sa UK, depende sa paggamit dito, at 79% naman sa ibang mga bansa kaya binatikos ito.

Kasalukuyang nagsasagawa ng malakihang trial ang AstraZeneca sa US upang makapasok ito sa nasabing bansa kahit man lang para sa emergency use authorization.

Ang US ang isa sa pinakamalaking merkado ng bakuna laban sa pandemya dahil handang magpakawala ang pamahalaan dito ng bilyon-bilyong dolyar na pambili, bukod pa sa matatamong kredibilidad ng bakuna kung kikilalanin ito sa nasabing bansa.

Hanggang ngayon, kahit aprubado ng World Health Organization ito, hindi pa nakapapasa ang AstraZeneca sa pamantayan ng US Food and Drugs Administration.

Kahit umamin na 76% lang ang bisa nito, inihahayag ng nasabing kompanya na mabisa ito lalo na sa mga may edad 65 pataas.

Ngunit dahil naman sa sunod-sunod na namamatay sa Europa dahil sa paniniwalang lumilikha ang bakuna ng blood clot o pagbabara ng ugat na nagbubunga ng mga internal hemorrhage o pagdurugo sa utak at iba pang parte ng katawan ng tao, maraming bansa ang nagsuspinde ng paggamit dito, karamihan sa Europa gaya ng Germany, Denmark, Norway at iba pa.

Sinuspinde rin ito sa Indonesia, Venezuela at Democratic Republic of Congo.

Article: REMATE