International News
Labi ng dalawang bata, nadiskubre sa maletang nabili sa isang online subasta
Nadiskubre ang mga labi ng dalawang paslit sa loob ng isang maleta na nabili ng isang pamilya sa isang online subasta.
Kinumpirma ng kapulisan na ang nasabing maleta ay nakalagak sa pinakalikod na bahagi ng isang storage unit sa South Auckland, New Zealand. Kasama sa loob ng unit ang ilang gamit na pambata gaya ng stroller at mga laruan.
Ayon kay South Auckland Detective Inspector Tofilau Faamanuia Vaaelua, ang labi ng mga bata ay nadiskubre nitong Agosto 11. Sa resulta umano ng isinagawang post-mortem examination, ang mga bata ay nasawi may ilang taon na nakalilipas.
Tinatayang nasa pagitan ng 5 hanggang 10 taong gulang ang bata, ayon sa mga pathologists na kabilang sa nag-iimbestiga sa kaso. Patuloy rin ang kanilang pagtatangkang alamin kung kailan, saan, at paano nasawi ang mga bata.
Kinumpirma rin ni Vaaelua na nasa New Zealand lamang ang pamilya ng mga bata. Nagpahiwatig din ito na hawak na ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng dalawa, matapos nitong ibahagi ang “good progress with DNA inquiries” ng mga may hawak ng kaso.
Nilinaw rin ng kapulisan na walang kinalaman ang pamilyang nakabili ng mga maleta at nakadiskubre sa mga labi ng dalawang bata.