International News
MARIA RESSA, KAUNA-UNAHANG PILIPINONG NAKASUNGKIT NG PRESTIHIYOSONG NOBEL PEACE PRIZE 2021
Nasungkit ng CEO ng Rappler na si Maria Ressa ang prestihiyosong Nobel Peace Prize 2021.
Ito ang kaunaunahang pagkakataon na naiuwi ng isang Pilipino ang parangal at si Ressa ang unang babaeng pinarangalan sa taong ito.
Ayon sa ipinalabas na pahayag ng Norwegian Nobel Committee, napili nila si Ressa dahil sa angking katapangan nito sa pakikipaglaban para sa kalayaang magpahayag sa Pilipinas.
Iginawad nila ang parangal bilang pagkilala sa kaniyang “efforts to safeguard freedom of expression, which is a precondition for democracy and lasting peace.”
Katulad ng kapwa niya awardee na si Dmitry Murato, ginamit umano ni Ressa and kalayaang ito upang isiwalat ang pang-aabuso sa kapangyarihan, ang paggamit ng karahasan, at ang umuusbong na awtoritaryanismo sa bansa.
Sila rin umano ay kumakatawan sa iba pang mga dyornalista na patuloy na nakikibaka para sa kalayaang magpahayag.
“…they are representatives of all journalists who stand up for this ideal in a world in which democracy and freedom of the press face increasingly adverse conditions,” pahayag ng komitiba.
Makakatanggap si Ressa ng isang gintong medalya at 10 million Swedish kronor (katumbas ng higit Php 57 milyon). Manggagaling ang gantimpala mula sa iniwang pamana ng Swedish na imbentor na si Alfred Nobel na pumanaw noong 1895.
Limang Nobel Prize (Nobel Peace Prize, Nobel Prize for Chemistry, Nobel Prize for Physics, Nobel Prize for Physiology or Medicine, at Nobel Prize for Literature) ang iginagawad kada taon para sa mga taong nagbigay ng pinakadakilang kontribusyong sa sangkatauhan.