Connect with us

International News

MESSAGE IN A BOTTLE NA PINAKAWALAN MULA SA JAPAN 37 TAON NA ANG NAKALILIPAS, NATAGPUAN SA HAWAII

Published

on

Larawan mula sa borneobulletin.com.bn

Nagbabakasyon sa isang beach malapit sa Hilo, Hawaii ang siyam na taong gulang na si Abbie Graham kasama ang kanyang pamilya nang makapulot siya ng isang bote na may lamang sulat.

Ang bote na ito ay isa sa daan-daang bote na ibinato sa dagat ng mga high school students sa Japan 37 taong gulang na ang nakararaan at 7, 000 kilometro ang layo mula sa pinaggalingan.

Ang message in a bottle na pinamagatang “Ocean current investigation” ay isinulat ng mga high school students ng Choshi High School at ibinato sa Kuroshio Current malapit sa Miyajima Island, western Japan bilang bahagi ng kanilang school project tungkol sa mga alon sa karagatan.

Hinihiling ng mensaheng isinulat noong Hulyo ng 1984 na kung sino man ang makapulot ng bote ay mangyaring ibalik ito sa naturang paaralan.

Naglabas naman ng pahayag ang paaralan at sinabing nagpakawala ng 450 na mga bote ang paaralan noong 1984 at karagdagang 300 noong 1985 bilang bahagi ng kanilang ocean currents survey.

Sa ngayon ay 51 bote na ang nakita at naibalik sa Japan.  Ang bote na napulot ni Graham sa Hawaii ang kaisa-isang bote na nakita simula 2002.

Ang iba pang mga bote ay inanod sa Washington state sa US, Canada, Marshall Islands sa central Pacific, at sa Pilipinas.

Ayon kay Mayumi Kanda, isa sa mga estudyanteng miyembro ng science club noong 1984, nagulat umano siya nang mabalitaang  pagkalipas ng  mahabang panahon ay may nakita ulit na isa na namang bote.  Nanumbalik umano sa kanya ang mga alaala ng kanyang buhay high school.

Nagbabalak ang mga mag-aaral ng Choshi High School na padalhan ng sulat si Graham upang magpasalamat sa pagsasauli niya ng bote.

Reregaluhan din umano nila ang bata ng isang maliit na Tairyo-bata, isang uri ng watawat na ginagamit ng mga mangingisda bilang simbulo sa isang masaganang huli.

Continue Reading